'Bilang ng mahihirap nabawasan sa unang 6 buwan ng 2018'

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bumaba ang bilang ng mga Pilipino na itinuturing na mahirap sa unang anim na buwan ng 2018, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA). 

Base sa datos ng PSA, nasa 21 porsiyento ang poverty incidence, o ang bahagi ng populasyon na itinuturing na mahirap noong unang anim na buwan ng 2018. Katumbas ito ng 23.1 milyong Pilipino.

Mas mababa ito sa 27.6 porsiyentong poverty incidence sa parehong mga buwan noong 2015. 

Maituturing na mahirap ang isang pamilyang may limang miyembro kung hindi nila kayang gumastos ng P10,481 para sa mga basic o batayang pangangailangan para mabuhay kada buwan. Kabilang sa mga batayang gastusin ang damit, pagkain, at pasahe. 

Ang nasabing halaga ang maituturing na "poverty line" ng bansa.
Kung hindi aabot sa P10,481 ang kayang gastusin ng isang pamilya ng lima, maituturing na silang nasa ilalim ng poverty line.

Sa Bangsamoro region naitala ang pinakamataas na poverty incidence sa 63 porsiyento. 

Pinakamababa naman ang poverty incidence sa Metro Manila na nasa 6.6 porsiyento. 

Ikinagalak ng National Economic and Development Authority ang pagbaba ng poverty incidence sa bansa at sinabing dahil ito sa malakas na paglago ng ekonomiya at pagtaas ng kita ng mga Pilipino. 

Bumaba man ang bilang ng itinuturing mahihirap sa bansa, aminado naman ang gobyerno na marami pa ang kailangang gawin para maayos ang isyu ng kahirapan sa bansa. -- Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.