Nars, therapist, wanted sa US; aplikasyon 'aabutin ng 2 taon'

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 10:20 PM | Updated as of Apr 23 2018 05:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa Pilipinas ngayon ang ilang employer mula United States na naghahanap ng mga nars, physical therapist (PT), at occupational therapist (OT) na maaaring magtrabaho sa kanilang bansa.

Nagtungo sa bansa ang mga kinatawan ng ilang ospital sa Amerika para personal na mag-interview ng mga Pinoy na aplikante.

Nasa $25 o higit P1,000 kada oras ang sahod na ibibigay sa mga nars at therapists, ayon sa recruitment agency na Edi-Staffbuilders International (EDI). Katumbas ito ng $60,000 o P3 milyon kada taon.

Pero ayon kay EDI President Cesar Averia, aabutin ng hanggang dalawang taon ang pagproseso sa mga aplikante.

"We have to pass 'yong kanilang lahat ng examination sa US. After that, papasok naman 'yon sa immigration," ani Averia.

Dapat ay may karanasan na ang aplikante sa pagtatrabaho sa isang malaking ospital na may magandang reputasyon sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon.

Mahalaga rin kasing may kaalaman ang aplikante sa mga modernong medical equipment.

Tiyak naman umanong pasok ang mga nars, PT, at OT na dati nang nagtrabaho sa mga ospital sa ibang bansa.

Wala rin umanong kailangan bayaran habang nag-a-apply.

Nagbabala rin si Averia laban sa mga illegal recruiter na nanggagaya sa hitsura ng website ng mga tunay na recruitment agency.

Para matiyak na hindi maloloko, ugaliing tingnan sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kung rehistrado ang ahensiya at puntahan ang mismong opisina.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.