Dating operasyon ng Uber, pinababalik ng PCC

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2018 11:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ng Philippine Competition Commission (PCC) na dapat ay bumalik sa normal ang operasyon ng Uber habang pinag-aaralan ng kanilang komisyon ang pagsanib ng transport network company (TNC) sa Grab.

"Kailangan bumalik ang kanilang app, magsibalikan ang mga driver, kailangan lahat ng ancillary services tulad ng pagtanggap ng complaints," sabi ni PCC Commissioner Stella Quimbo.

Una nang sinabi ni Grab Country Manager Brian Cu na bagaman aktibo pa rin ang Uber app, limitado na lang ang "functionality" o iyong mga serbisyong kayang ibigay nito.

Dagdag pa ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Aileen Lizada, mayroon na lang dalawa hanggang tatlong empleyado ang Uber sa bansa. 

Binigyang diin din ni Quimbo ang papel ng PCC sa nangyaring pagbili ng Grab sa Uber, kabilang ang pag-aaral nila sa magiging epekto ng acquisition deal sa mga driver at pasahero.

"Ang maaaring peligro rito ay baka magsitaasan ang presyo, sumama ang kalidad. So 'yon ang binabantayan ng PCC," aniya.

"Ongoing ang review, huwag nating pangunahan iyan," dagdag ni Quimbo. 

Sabado nang ipag-utos ng PCC ang patuloy na hiwalay na operasyon ng Uber at Grab habang pinag-aaralan ng komisyon ang pagsasanib ng dalawang TNC.

INCENTIVES, MASTERLIST

Samantala, nilinaw naman ni Grab Philippines Spokesperson Leo Gonzales na ang kanilang kompanya na ang magbibigay ng incentives sa mga Uber driver mula nang magsimula ang transition noong Marso 25.

"Lahat ng Uber drivers na may incentives before March 25, sagot ni Uber 'yan. After March 25, sagot ni Grab 'yan," sabi ni Gonzales.

Bukod sa pagkuha ng incentives, isa rin sa mga problemang kinahaharap ng ilang Uber driver ay ang paglipat sa Grab. 

Ang iba kasi sa kanila'y wala umano sa masterlist na pinasa ng LTFRB.

Isa sa mga humarap sa ganitong problema ay si Ramon Suzara, na kamakailan lang napabilang sa masterlist sa kabila ng pagiging aktibo sa loob ng dalawang taon.

"Saan ka kukuha ng panghulog tapos 'yon lang ang main source of income ko. Kaya nakaka-stress na not knowing kung kailan ka ma-activate sa Grab," sabi ni Suzara. 

Hinimok naman ng LTFRB ang mga aktibong Uber driver na nawala sa masterlist na magpasa sa kanilang ahensiya ng pagpapatunay.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.