'Pantawid ng Pag-ibig': 1,000 sako ng bigas hatid sa mga taga-Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 04:22 PM | Updated as of Apr 09 2020 06:09 PM

Ibinababa ang sako-sakong bigas sa Bulacan Provincial Capitol Gym noong Miyerkoles. Ayon sa lokal na social welfare officer, isasama ang bigas sa tulong na ipamamahagi sa mga residente ng lalawigan.

MANILA (UPDATE) -- Naghahanda na ang Bulacan provincial government na ipamahagi ang sako-sakong bigas na handog ng Pantawid ng Pag-ibig program ng ABS-CBN sa kabila ng mga limitasyon dulot ng COVID-19 pandemic.

Bilang pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office ng Bulacan, isa si Rowena Tiongson Joson sa mga punong abala sa pangangasiwa ng pamamahagi ng tulong para sa nasa 785,000 kabahayan sa kanilang lalawigan.

Aminado si Joson na ang isa sa mga hamong kinahaharap nila ng kaniyang mga kasamahan ay ang pangamba na malantad sa coronavirus disease (COVID-19), lalo at kailangan nilang lumabas sa kanilang mga bahay para makapag-ayos ng relief.

"Of course, siyempre, at risk 'yong workers natin at even 'yong volunteers... Sana lang talaga itong workers, huwag silang magkasakit," ani Joson sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon kay Joson, sa Easter Sunday sisimulan ng provincial government ang ikatlong bugso ng pamamahagi ng tulong para sa mga tagalalawigan.

Para maging organisado at matiyak na lahat ng kabahayan ay mabibigyan, nakikipagtulungan ang provincial government sa mga alkalde at opisyal ng barangay.

Ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian ng Malolos, malaking bagay ang tulong na inaabot ng provincial government lalo sa mga panahong nagkukulang sila sa supplies para sa mga residente.

"Kung ano 'yong mga kakulangan ng city ay idinadagdag naman ng province," ani Gatchalian.

Wala man daw problema sa pondo, may mga pagkakataon namang hirap sila sa pagkuha ng mga suplay ng relief goods gaya ng bigas, mga de-lata, at noodles.

"It would be easier for us sana kung nakakapag-set aside sana ng maraming supply," dagdag ng alkalde.

Si Bulacan Gov. Daniel Fernando nang tanggapin ng provincial government ang mga sako ng bigas mula sa programang Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN. Photo courtesy: Maricel Cruz, Bulacan Provincial Public Affairs Office head

Noong Miyerkoles, nagbigay ang Pantawid ng Pag-ibig campaign ng ABS-CBN ng 1,000 sako ng bigas sa provincial government ng Bulacan.

Sa mga susunod na araw ay makatatanggap pa ang Bulacan ng iba pang relief goods.

Ito ay matapos palawigin ng programa ang pagpapaabot ng tulong sa mga karatig-lalawigan ng Metro Manila kasama ang Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna.

Ayon kay Joson, isasama nila ang bigas sa repacking para maipamahagi na rin sa mga taga-Bulacan.

Labis ang pagpapasalamat nina Joson at Gatchalian sa mga proyektong gaya ng Pantawid ng Pag-ibig at iba pang nagpaabot ng donasyon sa lalawigan.

"Bahala na po ang Panginoong Diyos na gumanti sa inyong ginagawa," ani Joson.

"Ang tulong niyo sa province ay tulong niyo sa Malolos," sabi naman ni Gatchalian.

Nagpapasalamat din si Bulacan Governor Daniel Fernando sa kampanya.

"Nagpapasalamat ako sa mga suporta. Napakarami pong dumating na donations," aniya.

Ayon kay Rowena Paraan, Head ng News Public Service sa ABS-CBN, pinalawig ang tulong sa mga lalawigan dahil sa dami ng apela mula sa mga opisyal doon.

Mas tumindi pa ang pangangailangan ng mga probinsiya sa pagpapalawig hanggang sa katapusan ng Abril ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.

"LGUs (local government units) are also having difficulty sourcing supplies. ABS-CBN has partner suppliers and donors. This is why we are able to deliver rice and other items, even cooked meals for frontliners," sabi ni Paraan.

Nagpapasalamat naman ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong Pantawid ng Pag-ibig:

  • Century Pacific Food Inc.
  • Rebisco
  • Suy Sing Corporation
  • Lucio Tan Group Inc.
  • McDonald's
  • Quick Chow Noodles
  • Mega Sardines
  • Great Taste 3-in-1
  • Sunsilk Shampoo
  • Safeguard
  • Hana Shampoo
  • Champion Detergent
  • Unilab
  • Ritemed
  • Generika Drugstore
  • Air21
  • Entrego

Patuloy na nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.

Para sa iba pang detalye at update sa relief distribution, mga-log-on sa pantawidngpagibig.com 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.