Mga pulis at barangay health workers sa Taguig City, may umento sa sahod

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 03:15 AM | Updated as of Apr 09 2020 04:11 AM

Aprubado na ng konseho ng Taguig City ang umento sa sahod ng Philippine National Police (PNP) personnel at barangay health workers ng lungsod.

Inanunsyo ni Mayor Lino Cayetano na may P1,000 dagdag sa sahod ng mga pulis-Taguig bilang simbolo ng pasasalamat sa kanilang serbisyo lalo na sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine.

May inilaan ding food packs at P500 gift certificates para sa mga pamilya ng 700 PNP personnel ng lungsod.

May dobleng umento naman sa sahod ng barangay health workers ng lungsod na na-promote bilang job order personnel mula Abril 1.

Handa namang umalalay sa Taguig ang National Capital Region Police Office (NCRPO) nurses ayon kay chief Brigadier General Debold Sinas.

Ayon kay Sinas, wala pang pulis sa Taguig na may COVID-19 pero may inilaan nang quarantine facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan para sa mga pulis na persons under investigation (PUI) at persons under monitoring (PUM).

“Lahat ng pulis na PUI at PUM, quarantine. Hindi pwedeng house quarantine. Or kung kasama nila positive, talagang fino-forced quarantine po nila para hindi makahawa,” ani Sinas.

Aabot sa 150 na pulis ang kayang patuluyin sa quarantine facility sa Camp Bagong Diwa.
 
Ayon kay Sinas, 8 pulis na sa NCRPO ang nagpositibo sa COVID-19. Isa ang na-discharge na sa ospital habang 3 ang nagpapagaling na at hinihintay na lang ang resulta ng kanilang final test.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.