4 patay sa magkahiwalay na buy-bust sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2020 03:45 PM

Patay ang 4 na tao matapos umanong manlaban sa mga awtoridad sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Polomolok, South Cotabato.

Isinagawa ang isa sa mga operasyon sa Barangay Upper Klinan noong gabi ng Miyerkoles, kung saan napatay ang 2 sa mga suspek.

Nabilhan umano ng P1,000 halaga ng shabu ang mga suspek, ayon sa ulat ng Polomolok police.

Pero nang makatunog umano ang mga suspek na pulis ang mga katransaksiyon, bumunot sila ng baril at nakipagpalitan ng putok, na kanilang ikinamatay.

Isinugod pa ang 2 suspek sa ospital pero idineklara ring dead on arrival.

Narekober umano sa mga suspek ang 2 kalibre .38 na baril, mga bala, 50 gramo ng shabu, drug paraphernalia, at cellphone.

Patay din ang 2 tao sa follow-up drug operation sa Barangay Glamang nitong madaling araw ng Huwebes.

Nakipagpalitan din ang mga suspek ng mga putok ng baril sa mga pulis, na kanilang ikinasawi.

Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .39 na baril, mga bala, at 10 gramo ng shabu na nagkakahalagang P60,000.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung sino ang supplier ng mga napatay na suspek.

-- Ulat ni Yen Mangompit, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.