Mga umuuwi para sa Semana Santa unti-unti nang dumaragsa

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 01:04 PM

Nagsimula nang dumagsa ang mga pasahero sa Cubao para umiwi sa mga probinsya ngayong Semana Santa. 

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Armand Reyes, operations supervisor ng Araneta Bus Station at Bus Port na may nag-uuwian na at sinasamantala ang holiday ngayong araw. 

Aniya, pumalo na sa halos 2,000 ang pasahero sa Araneta Bus Station at Bus port hanggang kaninang alas-9 ng umaga. 

Dagdag ni Reyes na aasahan ang pinakamaraming bilang ng pasahero sa Abril 12, Biyernes - na huling weekday bago mag-Semana Santa. 

Dinamihan na rin nila ang seguridad sa lugar. 

"Dinagdagan na po natin ang mga security personnel natin may mga augmentation na po tayo together with mga kapulisan natin dadami rin po 'yan," aniya. 

Manipis pa aniya ang bilang ng mga bumibiyahe kaya inanyayahan na ni Reyes ang ibang pasahero na mag-advanced booking at mag-online booking para iwas-aberya. 

Magdamagan ang operasyon ng Araneta Bus Station kung saan naka-terminal ang mga ordinary bus.
 
Habang alas-5 ng madaling araw hanggang alas-11 ng gabi naman ang operasyon ng Araneta Bus Port kung saan naka-terminal ang mga aircon bus.

Una nang nagsabi ang Metropolitan Manila Airport Authority at Philippine Coast Guard na naghahanda na sila sa inaasahang dagsa ng pasahero sa Semana Santa mula Abril 15 hanggang 22. 

-- May ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.