Lalaki timbog sa pagkalat ng hubad na larawan ng ex na menor de edad

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 07:31 PM | Updated as of Apr 10 2019 09:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

ILIGAN CITY - Arestado ang isang 25-anyos na lalaki matapos ikalat ang mga hubad na retrato ng 17-anyos na ex-girlfriend.

Hinuli ng National Bureau of Investigation si alyas Tyrion sa loob ng lodging house kung saan hubad nitong kasama ang menor de edad.

Ayon kay NBI-Iligan Chief Atty. Abdul Jamal Dimaporo, 15 anyos lang noon si alyas Eva nang magkaroon ng relasyon sa suspek. 

Dalawang taong tiniis ng biktima ang pananakit ng boyfriend.

Inamin ng suspek na ginalaw na niya noon ang biktima pero napagkasunduan raw nila ang pagkuha ng mga hubad na retrato nang naging madalang ang kanilang pagkikita dahil sa paghihigpit ng ina ng biktima.

Ginamit ni Tyrion ang litrato na panakot kay Eva tuwing magtatangkang hiwalayan siya ng dalaga at tuwing may pinagseselosan. 

Pero tuluyan na niya itong ipinasa sa 2 kaibigan ng dalaga nang malaman niyang nagkaroon na ito ng ibang boyfriend. 

"Sinabi niya kay Eva na ipapakalat pa niya ang ibang retrato at nagsabing maglodge sila," sabi ni Dimaporo.

Haharap ang suspek sa kasong rape at Anti-Voyeurism Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.