'Uber app, aktibo pa pero limitado na ang serbisyo'

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2018 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nananatiling aktibo ang app ng Uber sa Pilipinas sa kabila ng dapat sana'y pagtigil ng kanilang operasyon sa bansa noong Linggo.

Ito ay matapos ipag-utos ng Philippine Competition Commission noong Sabado na manatiling hiwalay ang operasyon ng Uber at Grab habang pinag-aaralan ng komisyon ang pagsasanib ng dalawang transport network company (TNC).

"Kailangan independent ang operations para hindi rin ma-prejudice ang powers ng PCC," sabi ni PCC Commissioner Stella Quimbo.

"Kung pinayagan natin sila ngayon pa lang habang nagre-review na magsanib na, baka mahirapan ang PCC na i-unscramble sila kapag nalaman nating harmful itong merger," paliwanag ni Quimbo.

Una nang nag-abiso ang dalawa na magsasama ang kanilang mga kompanya matapos bilhin noong nakaraang buwan ng Grab ang operasyon ng Uber sa Southeast Asia.

Ilan sa aspetong sinisiyasat ng PCC ang pagpepresyo, kalidad ng serbisyo, mangyayaring pagbabago sa app, at kung magkakaroon ba ng pagpipiliang transport network vehicle service ang mga pasahero.

Maaaring abutin ng 190 days ang pag-aaral pero posibleng mapabilis pa ito.

Ayon naman kay Grab Country Manager Brian Cu, kailangan munang klaruhin ng PCC ang extension na hinihingi sa kanilang kompanya.

Ito ay dahil mula nang simulan ang transition noong Marso 25, Grab na umano ang nagbabayad para manatiling online ang Uber.

"They want it to be independent but the only way the Uber app will be operational is if we continue funding it. So either way, there's a breach in what they want," ani Cu.

Sinabi rin ni Cu na hindi naman nagbago ang presyo nila sa pasahe sa kabila ng pagkakabili sa operasyon ng Uber.

Ang rate kada kilometro ng Grab ay nananatili sa P11 hanggang P14.

LIMITADO

Bagaman aktibo pa rin, sinabi ni Cu na limitado na ang "functionality" o iyong mga serbisyog kayang ibigay ng Uber app.

Dagdag pa ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Aileen Lizada, mayroon na lang dalawa hanggang tatlong empleyado ang Uber sa bansa. 

Ibig sabihin, kahit online ang app, wala nang empleyadong makapagbibigay ng tulong sa mga pasahero.

"Kung ang mga riders ay magbu-book ng Uber, and if Uber complies with the guidance of PCC, try to imagine the app of Uber being up, online, but there is no back system, there is no back support kasi wala na nga pong tao," ani Lizada.

Ayon pa kay Lizada, expired na ang accreditation ng Uber sa bansa.

"For example may road crash, kung may mga complaint, sino ang sasagot sa side ng Uber? Sino isa-summon if ever mayroon po kaming hearing?" ani Lizada.

Tiniyak din ng LTFRB na walang pagtaas ng pamasahe sa kabila ng pagsasanib ng dalawang kompanya.

Kailangan muna raw nitong dumaan sa pagdinig at pag-aaral.

Sinabi rin ng ahensiya na may apat nang nag-a-apply para maging bagong TNC sa bansa.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.