'Ubos na ipon': Mga kabilang sa 'middle class' umapela ng tulong sa gitna ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 09:05 PM | Updated as of Apr 08 2020 09:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Kasunod ng anunsiyo ng gobyerno na palalawigin pa ang lockdown sa Luzon hanggang sa katapusan ng buwan, lalong lumakas ang panawagan na isama sa ayuda ang mga middle-income families na apektado rin ng krisis sa COVID-19.

Isa sa humihirit nito si Donabel Cancel, dating OFW, na ngayon ay nangungupahan sa isang apartment at nagtatrabaho bilang home-based English teacher.

May 2 siyang anak, at ang mister niya ay OFW sa UAE pero natigil na rin sa trabaho doon dahil sa COVID-19.

Sa ngayon, halos ubos na daw ang ipon nila at nangutang na lang muna sa kaanak. 

"Pare-parehas lang po tayong naghihirap ngayon. Nasa krisis po tayo ngayon eh… Hindi naman po lahat ng nakatira sa maayos na bahay eh mayaman na. Gaya kami naka-apartment nga kami, kapos naman kami sa budget," aniya.

Sa datos ng isang barangay sa Antipolo City, 60 porsiyento daw ng kanilang residente ay middle class. 

Bukod pa dito, problema rin nila ang limitadong bilang ng maaaring makatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program.

"Dinudumog kami ng aming mga kabarangay... May instance nga po sa isang barangay namin talagang pinukpok ng martilyo 'yung isang sitio chairman," ani Barangay San Isidro chairman Jojo Salen.

Sumulat na ang samahan ng mga alkalde sa national government na linawin sa publiko kung sino lang talaga ang pasok sa Social Amelioration Program.

"Linawin po 'yung mechanics nung Social Amelioration Program at diretsuhin ang kababayan namin na kulang po ito at hindi po ito para sa lahat," ani Jun Ynares, public information office chief ng Antipolo City. 

Nagpasa naman na ng resolusyon ang sangguniang panlalawigan ng Rizal na humihiling sa gobyerno na isama na sa cash aid ang mga nasa middle class.

"We should also consider this sector of our society sapagkat in times like these, hindi lang naman ang lower income class ang naaapektuhan kundi ang lahat ng sektor ng lipunan," ani Rizal Vice Governor Reynaldo San Juan, Jr. 

Sinagot naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang mga hirit na ito.

"Kung meron kayong reklamo, concerns, mga beneficiaries na hindi naisali at sa palagay ninyo sila naman ay kwalipikado, then you report that to DSWD.... Ano ba ang programa sa middle class? Yun ang pag-uusapan natin. Number 1 we have to define what middle class is, hanggang saan?" ani IATF spokesman Karlo Nograles.

Dahil wala pang sagot, pupunan na lang muna ng Marikina City LGU ang kulang sa nakuhang pondo sa gobyerno para maabutan lahat ng 135,000 pamilyang kailangan ng tulong sa siyudad.
 
—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.