PANOORIN: Pagkumpleto ng ilang taga-Aurora sa mandatory quarantine nagmistulang graduation

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 02:00 PM

Nagmistulang graduation ceremony ang pagtatapos ng 14-day quarantine ng mga umuwing residente ng Dipaculao, Aurora mula Metro Manila. 

 

Sa video na ibinahagi ni Bayan Patroller Allan dela Rosa, public information officer ng Dipaculao, sinundo nila mula Canili National High School sa Maria Aurora, Aurora ang 15 residente nilang naabutan ng pagsasara ng border ng lalawigan, pasado alas-11 umaga ng Abril 6. 

Ayon kay dela Rosa, napagkatuwaan ng mga residente na mag-download at i-play ang graduation march habang tinatanggap nila isa-isa ang katibayan na natapos nila ang mandatory quarantine.

Sa utos ni Aurora Acting Governor Christian Noveras, kinakailangangn sumailalim sa mandatory quarantine ang mga residenteng nanggaling ng Metro Manila bago umuwi. 

Dating nabanggit ng gobyerno na episentro ng pagkalat ng COVID-19 ang Metro Manila

Matapos ang 14 araw, wala namang nagpakita ng sintomas ng COVID-19 o kahit ano pa mang sakit sa mga residente kaya pinauwi na ito. 

Binigyan naman ng Dipaculao LGU ng panibagong set ng vitamins at face masks ang 15 indibidwal para sa kanilang kaligtasan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.