Negosyante patay sa pamamaril sa Mati; love triangle, tinitingnang motibo

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 06:46 PM

MATI CITY, Davao Oriental - Patay ang isang negosyante dito sa siyudad matapos pagbabarilin sa mismong tapat ng kaniyang tindahan Martes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Uyet Auibo Magno, 33 anyos, residente ng Mati City.

Ayon kay Police Maj. Bembo Aying, hepe ng Mati City Police, love triangle ang tinitingnan nilang motibo sa krimen.

Nakakuha kasi ng ebidensya ang mga pulis na may relasyon ang asawa ng biktima at ang pinaghihinalaang gunman.

"Sa aming pag-imbestiga nakakuha kami ng ebidensiya na isa itong love triangle; ang asawa ng biktima at 'yung ating person of interest natin ngayon naglambing ito sila showing or indicating na mayroon silang relasyon. May nakuha kaming picture at communication sa cellphone. Tinitingnan namin ang ebidensiya para ma-link kung nagconnive ba ang asawa para patayin ang biktima," ani Aying.

Naisugod pa ang biktima sa ospital pero dead on arrival ito.

Narekober sa crime scene ang dalawang basyo ng bala ng .45 pistol.

Bagama’t walang kaaway sa negosyo ang biktima, iniimbestigahan pa rin ng mga pulis ang takbo ng negosyo nito.

-- Jasper Magoncia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.