Mag-anak na 20 araw tumira sa rotunda sa Pagadian City dahil sa ECQ, nakauwi na

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 06:40 PM | Updated as of Apr 08 2020 06:58 PM

Binabantayan ng padre de pamilya ang kaniyang bunsong anak habang nakasilong sa ilalim ng puno sa rotunda sa Pagadian City. Hindi nakauwi ng kanilang bahay sa Zamboanga City ang mag-anak matapos abutan ng enhanced community quarantine sa Zamboanga del Sur. Larawan mula kay Jesrel Himang

ZAMBOANGA CITY - Nakauwi na sa kanilang bahay sa Zamboanga City nitong Linggo ang isang mag-anak na may 20 araw na tumira sa rotunda sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur matapos abutan ng enhanced community quarantine sa probinsiya.

Ayon kay Jesrel Himang, focal person ng Zamboanga del Sur Task Force COVID-19, galing sa General Santos City at pauwi na sana sa Zamboanga City ang mag-asawang Roberto at Maximina Dimas, kasama ang tatlo nilang anak na may edad na 5, 4 at apat na buwang sanggol, nang abutan sila ng enhanced community quarantine sa Zamboanga del Sur.

Dahil suspendido ang operasyon ng mga bus palabas at papasok ng probinsiya, napilitan ang mag-anak na manatili na lang sa Pagadian City hanggang matapos ang community quarantine.

Pero dahil kapos sa pera, napilitang matulog sa ilalim ng puno sa isang rotunda ang pamilya Dimas na tumagal nang 20 araw. Wala na rin silang supply ng pagkain at tubig, at nagpapasuso pa ng sanggol ang ina.

"Naglakad na lang sila nang kaunti papuntang rotunda, so doon na sila nag-set up ng bahay-bahayan para matuluyan nila panandalian. Kaawa-awa ang sitwasyon nila kasi yun nga, may four-month-old na bata... Tatlo lahat ang anak nila puro maliliit pa," sabi ni Himang.

Dagdag ni Himang, nakarating sa kaniya ang kalunos-lunos na sitwasyon ng pamilya Dimas sa pamamagitan ng social media.

May ilang residente ring nag-abot ng tulong sa pamilya Dimas matapos makita ang kanilang kaawa-awang sitwasyon.

Tumulong din ang lokal na pamahalan ng Zamboanga del Sur at nagbigay ng ilang food supply. Inasikaso din ni Himang ang special pass ng pamilya para makauwi sa kanilang lugar sa Barangay Vitali, Zamboanga City.

Personal na hinatid ni Himang ang mag-anak noong Abril 5 sa kanilang barangay.

"Sinamahan talaga natin dahil alam ko, napakaestrikto ang border ng Zamboanga. Yun nga, dalawang oras pa kami na-hold doon, kasi yung special pass dito sa Zamboanga del Sur ay hindi pala honored. So, tumawag pa ako ng contacts ko sa Zamboanga at nakausap ko yung CDRRMO (City Disaster Risk Reduction and Management Council). So, pinayagan tayo na makapasok sa border," dagdag ni Himang.

Bukod sa groceries, binigyan pa ng isang sakong bigas ang pamilya Dimas at halos P10,000 na pera bilang pabaon sa kanilang pag-uwi.

Inabisuhan din sila na mag-home quarantine muna bilang pagsunod sa protocol ng lokal na pamahalaan.

Maayos naman ang naging lagay ng mga bata at walang sintomas ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.