COVID-19 cases sa Pilipinas umabot sa 3,870

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 08:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umabot sa 3,870 ang kabuuang bilang ng mga taong nagpopositibo sa coronavirus disease (COVID-19) matapos makapagtala ng 106 bagong kaso ang Department of Health (DOH) ngayong Miyerkoles.

Umakyat naman sa 96 ang bilang ng mga gumagaling sa COVID-19 matapos magtala ng 12 bagong paggaling.

Mas mataas ang bilang ng mga bagong gumaling ngayong Miyerkoles kompara sa bilang ng mga bagong nasawi, na nasa 5, para sa kabuuang 182 pagkamatay.

Base sa chart ng ABS-CBN Data Analytics, pababa ang trend ng kaso ng COVID-19 nitong mga nagdaang araw. Tumaas din ang trend para sa mga gumagaling sa sakit.

Pero ayon kay Beverly Ho, special assistant to the health secretary, bagaman tumaas ang bilang ng mga gumagaling at bumaba ang naitatalang mga bagong kaso, hindi pa lubusang masabi na na-flatten na ang curve.

Hindi pa rin malinaw kung ito ay indikasyong epektibo ang enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatupad sa buong Luzon at pinalawig hanggang katapusan ng Abril.

"Mid-April pa talaga natin malalaman kung may epekto ang ECQ," ani Ho.

Ayon kay Ho, karamihan sa mga tinatamaan ng COVID-19 ay matatanda at mga lalaki.

Base sa datos, 42 porsiyento ng mga lalaki ay mga naninigarilyo at nagve-vape. Sila ang mas lantad sa sakit lalo't ang pagyoyosi ay nakapagpapababa ng immune system.

Pagdating naman sa mass testing, dapat daw matandaan ng publiko na ang mass testing ay hindi nangangahulugang kahit sino na lang na gustong magpa-test ay ite-test.

Expanded at targeted ang paraan, na nangangahulugang pangunahing konsiderasyon ang pagkakaroon ng ibang sakit ng isang pasyente at exposure.

Prayoridad sa testing ang mga pasyente at healthcare worker na may severe o critical symptoms, sunod ang mga pasyenteng may mild symptoms at may history ng exposure, at mga asymptomatic na may exposure.

Sinasabing nasa 252 health workers ang tinamaan ng COVID-19.

Ayon kay Ho, naipamahagi na ang nasa 3 batch ng personal protective equipment (PPE) sa iba-ibang ospital sa bansa.

Maliban sa PPE, mapoprotektahan din ang health workers kung ang mga tao ay susunod sa enhanced community quarantine.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.