Babae huli sa pagtitinda ng overpriced medical supplies

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 01:52 PM

Timbog ng mga awtoridad ang isang babae sa Maynila noong Martes dahil sa umano'y pagbebenta ng overpriced na medical supplies, na may kabuuang halagang aabot sa higit P1 milyon.

Sa ulat, kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo ang suspek bilang si Merlita Toong, 47 anyos.

Nagkasa ng entrapment operation ang mga pulis laban sa suspek matapos makatanggap ng sumbong na nagtitinda ito ng alcohol, face masks at safety goggles sa presyong lagpas sa suggested retail price (SRP), ayon sa ulat ng QCPD.

Nasa P690 ang benta ng suspek sa isang galon ng alcohol, ayon sa QCPD. Mas mataas ito sa P520 na SRP.

Dinampot si Toong sa may Buenavidez Street, Santa Cruz district bandang alas-2:30 ng hapon matapos niyang bentahan ang isang nagkunwaring mamimili ng 50 galon ng alcohol, 20 kahon ng disposable face mask, at safety goggle na nagkakahalagang P126,600, sabi ng pulisya.

Nakuhanan din umano ang suspek ng ilan pang galon ng alcohol, 15,000 piraso ng disposable face mask, at 250 piraso ng safety goggles. Aabot sa P1,266,700 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang medical supplies.

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang suspek kabilang ang paglabag sa Price Act, ayon sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.