2 'akyat-bahay' timbog sa Muntinlupa

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2020 05:58 PM

Arestado ang 2 lalaki matapos umanong manloob ng isang bahay sa Muntinlupa City noong hapon ng Martes, ayon sa pulisya.

Kinilala ng mga pulis ang mga suspek bilang sina Rhonel Palenzuela at Mark Eparwa.

Sinira ng mga suspek ang sliding door para makapasok sa bahay ng biktima sa isang subdivision bandang ala-1 ng hapon, base sa imbestigasyon ng Muntinlupa police.

Agad tinangay ng mga suspek ang mga alahas, ilang appliance, mga produktong de-lata, at alak sa kusina, na may kabuuang halagang P86,000, ayon sa pulisya.

Napansin lang umano ng biktima ang mga suspek nang papatakas na ang mga ito kaya tumawag agad siya sa mga guwardiya ng subdvision, na humuli naman sa mga suspek at nag-turn over sa mga ito sa pulisya.

Hindi na nabawi sa mga suspek ang mga ninakaw na alahas at appliances pero nakuha pa ang mga de-lata at mga alak.

Inaalam ng mga awtoridad kung may dati nang record ang mga suspek, na kinasuhan ng robbery.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.