Xian Gaza balak kasuhan ng Immigration

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2019 07:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinag-aaralan na ng Bureau of Immigration (BI) ang pagsasampa ng kaso laban kay Xian Gaza matapos nitong sabihing madali lang lusutan ng isang kriminal ang Immigration.

Sa isang viral Facebook post noong Sunday, tila ipinagyabang ni Gaza kung paano niya nalusutan ang mga awtoridad sa paliparan at nakapuslit ng bansa noong Setyembre 30, 2018 sa kabila ng pagkakaroon ng 3 warrant of arrest.

Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, kasinungalingan ang kuwento ni Gaza at posibleng kasuhan nila ito.

"Ang kaniyang mga pinost sa Facebook, it is all fake news," ani Sandoval.

"We're still studying po kung ano 'yong puwede nating action against him kasi it's a security risk eh," dagdag ni Sandoval.

Ayon kay Gaza, 3 ticket ang binili niya para sa magkakaibang flights papuntang Singapore, Taiwan, at Hong Kong.

Nag-check-in umano siya online para sa 2 decoy o pekeng flight at hinintay na magsara ang check-in counter bago nag-check-in para sa flight patungong Hong Kong.

Nakalusot si Gaza sa immigration counter sa paliparan dahil wala namang hold departure order laban sa kaniya.

Sinabi rin ni Gaza sa post na kukuha na siya ng bagong pagkakakilanlan at citizenship sa isang bansa sa Latin America.

Inaresto si Gaza noong Abril 2018 dahil sa paglabag sa Anti-Bouncing Checks Law. Nakalaya siya makaraan ang isang araw dahil sa piyansa.

Unang nakilala si Gaza noong 2017 matapos niyang yayain sa date ang aktres na si Erich Gonzales sa pamamagitan ng billboard.

--May ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.