MIAA, Coast Guard naghahanda na sa dagsa ng pasahero sa Holy Week

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naghahanda na ang Manila International Airport Authority (MIAA) at Philippine Coast Guard sa inaasahang dagsa ng mga pasahero sa darating na Semana Santa.

Mas maagang naglibot at nag-inspeksiyon ang mga opisyal ng MIAA sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang paghahanda sa Semana Santa.

Inabisuhan ni MIAA General Manager Ed Monreal ang mga pasahero na iwasang magpasok ng mga bote na may lamang likido na hihigit sa 100 milliliters.

Dapat ding maglaan ang mga pasahero ng 3 oras para sa international flights at 2 oras sa domestic flights, ayon kay Monreal.

Pero may ilang pasaherong hindi pa rin kuntento sa naranasan nila sa paliparan.

May mga nangangamba pa rin na ma-delay dahil sa haba ng pila tulad sa Immigration area.

Samantala, sinabi naman ni Monreal na handa siyang sumunod sakaling ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipahawak sa Philippine Air Force ang operasyon ng NAIA.

"Kung 'yan po ang direktiba ng ating pangulo, hindi ho tayo dapat kumontra, kailangan po suportahan natin kung ano ang gusto ng ating pangulo," ani Monreal.
 
Ito ay matapos magbitiw ng babala noong Biyernes si Duterte na ipahawak sa Air Force ang pangangasiwa sa paliparan.

Nangako naman ang Immigration na pupunuin ang mga booth nila sa mga paliparan sa Semana Santa, lalo na tuwing marami ang pasahero.

Naka-heightened alert status naman ang Philippine Coast Guard (PCG) ilang araw bago ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pier para sa Semana Santa.

"I've directed all PCG units to brace up security and safety measures on all ports and ferry terminals," ani PCG Commandant Elson Hermogino.

Isinagawa nitong Lunes ang send-off ceremony ng 3 barko ng PCG mula sa headquarters nito sa Maynila bilang bahagi ng "Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2019."

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.