Dalagitang nawawala, natagpuang patay sa septic tank sa Danao

Aiza Layague, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2019 11:09 PM

DANAO CITY, Cebu - Natagpuang patay ang isang dalagita sa loob ng septic tank ng isang pampublikong paaralan sa Danao City, Cebu nitong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Tesa Marie Ygay, 14 anyos. 

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tawag mula sa principal ng Cogon Cruz Integrated School Lunes ng umaga na may nilalangaw at nangangamoy patay sa septic tank ng paaralan.

Nang rumesponde ang mga pulis ay nakita nilang bangkay pala ng isang babae ang nasa loob ng septic tank.

Ayon sa hepe ng Danao City Police Station na si Lt. Col.Maribel Getican, tatlong araw nang pinaghahanap ng pamilya ang dalagita.

Dagdag ni Getican, posibleng pinatay ang dalagita bago ito itinapon sa septic lalo’t may mga saksak ang katawan ng biktima. Nagkalat rin ang mga bakas ng dugo sa paligid ng paaralan.

Isa sa mga itinuturong person of interest ay ang guwardiya ng mismong paaralan.

Maliban kasi na siya ang huling nakitang kasama ng dalagita at sa mga bakas ng dugo sa mismong guard house ng paaralan, ay hindi na rin pumasok sa trabaho ang guwardiya simula noong Sabado.

Nanligaw umano ang guwardiya sa biktima.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.