3 pulis na idinawit sa pagpatay sa anak ng alkalde, arestado

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2019 10:16 PM

MAYNILA - Inaresto na ng National Bureau of Investigation (NBI) Quezon province ang dating hepe ng Tayabas City Police Station at dalawa niyang tauhan na isinasangkot sa umano'y "scripted" na police operation laban sa anak ng alkalde ng Sariaya noong Marso 14.

Ayon kay Dominador Villanueva, hepe ng NBI-Quezon, inaresto sa bisa ng arrest warrant para sa kasong double murder sina Police Lt. Col. Mark Laygo, Police Staff Sgt. Roberto Legazpi at Police Cpl. Lonal Sumalpong.

Isinilbi ang warrant nitong Lunes habang sila ay naka-restrictive custody sa Camp Dolor sa Candelaria, Quezon.

Nauna nang umamin ang ibang pulis na kasama sa operasyon na "scripted" lamang ang nangyaring engkuwentro na ikinasawi ni Christian Gayeta, anak ni Sariaya Mayor Marcelo Gayeta, at ng kasama nito.

Ibinabiyahe na papunta sa NBI headquarters sa Maynila ang tatlong pulis para dito ikulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.