DepEd, naghahanap ng higit 75,000 bagong guro

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2018 06:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naghahanap ang Department of Education (DepEd) ng 75,242 bagong mga guro sa kindergarten hanggang senior high school para sa susunod na school year.

Ito ay matapos aprubahan ng Department of Budget and Management ang pondo para sa hakbang na naglalayong palakihin ang bilang ng mga mag-aaral na pumapasok sa mga pampublikong paaralan at pababain ang class size o dami ng mag-aaral sa isang klase.

"Gusto nating burahin ang notion na sa isang klase, may 50, 60 or 70 kids under 1 teacher," sabi sa DZMM ni Education Secretary Leonor Briones.

Nasa 40,642 ang gurong kailangan sa kindergarten at elementarya, 34,244 sa junior high school, at 356 naman sa senior high school, ayon sa DepEd.

Aabot ang suweldo at benepisyo ng mga bagong guro sa P23,000.

DAGDAG-SAHOD

Ikinalugod naman ng Alliance of Concerned Teachers ang hakbang pero dapat din umanong tutukan ang dagdag-sahod at pagkuha ng mga non-teaching personnel.

"Our clamor is to [raise] the entry level [to] P30,000," ani Cristina Manalo, pangulo ng Philippine Public School Teachers Association-NCR.

Nangangamba naman ang DepEd na magkaroon ng biglaan at malawakang paglipat ng mga private school teacher sa mga pampublikong paaralan.

"Private schools are considered partners, they are our partners in the delivery of quality basic education," ani Education Undersecretary Tonisito Umali.

Sa ngayon, nagsimula na ang pangangalap sa mga bagong guro.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.