3 patay, 1 sugatan, 1 ginahasa ng lalaking 'napikon' sa mga katrabaho

ABS-CBN News

Posted at Apr 08 2018 06:38 PM | Updated as of Apr 09 2018 02:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto sa Laguna ang isang lalaking responsable sa pagkakapatay sa tatlo katao, pagkakasugat sa isa, at panggagahasa sa isa pa dahil sa matinding galit sa mga katrabaho.

Isinagawa ng 30 anyos na suspek na si Salvador Abraham, ngayo'y nakapiit sa Alaminos, Laguna, ang sunod-sunod na krimen sa loob ng isang araw.

Biyernes ng umaga nang pagbabarilin ni Abraham sa Barangay Masili sa Calamba ang kaniyang mga kapuwa fishpond caretaker na sina Roly Bursola at Jolan Sereno.

Natagpuan ang bangkay ni Bursola sa isang kubo habang narekober naman sa tubig ang bangkay ni Sereno.

Kinagabihan, binaril naman ng nakatakas na suspek sa labas ng isang restoran ang 27 anyos na si Ian Masicat at tinangay ang sasakyan nito.

Kasama ring dinukot ni Abraham ang nobya ni Masicat, na inutusan ng suspek na magmaneho patungong Lucena, Quezon.

Sa puntong iyon nagkasa ng dragnet operation ang Laguna police para mahuli si Abraham.

Sa biyahe, hinalay pa umano ng suspek ang babaeng biktima.

Nabangga ng babae ang isang bus, dahilan para bumaba ang drayber nitong binaril din ng suspek. Nakaligtas naman ang drayber.

Sa Alaminos, Laguna natunton ng pulisya si Abraham. Sumuko ito pero ginawa munang hostage ang babaeng biktima.

Ayon kay Senior Inspector Jan Albert Rongavilla ng Alaminos police, sumuko ang suspek dahil ayaw umano niyang mamatay.

Nakuha sa suspek ang isang submachine gun, na baril ng may-ari ng fishpond.

Hindi naman itinanggi ni Abraham ang kaniyang mga krimen pero depensa niya'y nagawa niya ang mga ito dahil matagal na umano siyang binu-bully ng mga katrabaho.

"'Yong iniinom kong tubig, nilalagyan nila ng battery. Minsan naman dinudumihan nila pagkain ko," kuwento ni Abraham.

Nais sana ni Abraham na umuwi ng Bicol kaya tinangay ang sasakyan ng magkasintahang biktima.

Sinampahan ng patong-patong na kaso si Abraham.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.