Dayuhan, arestado matapos manghipo umano ng dalagita sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Apr 06 2019 07:11 AM

MAYNILA - Arestado ang isang 31 anyos na Chinese national matapos umanong manghipo ng 17 anyos na babae sa lobby ng isang condominium sa Pasay City Biyernes ng gabi.

Ayon kay Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City police, may hinatid ang pamilya ng biktima sa condo pero bigla siyang nilapitan ng suspek at hinawakan ang dibdib. Nagulat ang dalagita kaya nagsumbong agad sila sa guwardiya ng condo. 

Dumating ang pulis at inaresto ang Chinese na ayon kay Yang ay nakainom at tila wala sa sarili. 

Ayon sa tatay ng biktima, na-trauma ang kaniyang anak ngayon.

Posibleng sampahan ng reklamong acts of lasciviousness in relation to child abuse at alarm and scandal ang suspek.

Ayaw magsalita ng suspek at inaalam pa ng pulis ang kaniyang tunay na pangalan at kung saan siya nagtatrabaho dahil wala itong dalang passport.

Nitong Pebrero lang, may isang Chinese rin ang nahuli matapos manghipo ng 3 babae sa isang theme park sa Pasay City. - Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.