TINGNAN: Pagdiriwang ng 'Linggo ng Palaspas' sa gitna ng lockdown

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2020 04:15 PM | Updated as of Apr 05 2020 09:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon para mapuksa ang coronavirus disease 2019 (COVID-19), tuloy ang mga Katoliko na makiisa sa Linggo ng Palaspas o Palm Sunday, ang hudyat ng pagsisimula ng Semana Santa. 

Ayon kay Manila Archdiocese Bishop Broderick Pabillo, hindi napuputol sa lockdown o banta ng anumang pandemic ang pagtanggap sa Diyos sa panahon ng Semana Santa. 

Pinangunahan ni Pabillo ang Palm Sunday of the Passion of the Lord live streaming mass sa Manila Cathedral. 

"Kaya ito ang mensahe sa atin na ngayon ay may malaking suliranin tayo sa COVID-19: Tanggapin natin ang Panginoon. Huwag natin siyang bitawan. Kaya ngayon sa panahon ng Palm Sunday hindi tayo makakahawak ng palaspas pero maaari nating tanggapin ang Panginoon sa ating mga tahanan, sa ating mga buhay," ayon kay Pabillo. 

Sa harap ng tumataas na bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19, hinikayat ni Pabillo na ipagdasal ng mga deboto ang mga frontliner.

"Malaki din ang suportang maibibigay natin sa kanila na bawasan na ang paglabas-labas," sabi pa ni Pabillo.

Ang ibang mga simbahan gaya ng Quiapo Church ay nagsagawa din ng live streaming mass na umabot pa sa mahigit 200,000 ang nanood. 

Sa simbahan naman sa Baclaran ay may ilan pang nagtitinda ng palaspas at may ilan-ilang bumibili.

Samantala, nagbigay naman ng opinyon si Pabillo sa usapin ukol sa pagpapalawig ng Luzon lockdown, na magtatapos sana sa Abril 12.

"Isaalang-alang din ang pangangailangan ng mga tao na wala nang makakain, wala nang trabaho... Hindi lang dapat papatagalin kundi bibigyan din ng ibayong tulong pa 'yung mga nangangailangan," ayon sa obispo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.