Piyansa ng 'San Roque 21' inaasahang mabuo sa Lunes sa tulong ng crowdfunding

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2020 04:46 PM

MAYNILA — Patuloy ang paglikom ng pera ng mga abogado ng mga naarestong residente ng Sitio San Roque sa Quezon City para sa kanilang pagpiyansa.

Nakapiit sa District Special Operations Unit sa Camp Karingal​ ang tinaguriang "San Roque 21" na inaresto noong Miyerkoles matapos mauwi sa gulo sa EDSA ang paghingi nila ng ayuda sa gitna ng umiiral na Luzon lockdown dahil sa COVID-19.

Patong-patong na kaso ang isinampa laban sa kanila. Tig-P15,000 ang itinakdang piyansa sa 21 naaresto, o kabuuang P315,000.

Sa ngayon, nasa P35,000 na ang nalikom ng grupo ng mga abogado, hindi pa kasama dito ang ipinangakong tulong ng ilang artista.

"Gusto sana naming mag-file ng bail... Nagulat kami sa laki ng bail na nire-require, lalo ang liit ng mga kaso," ayon sa abogadong si Kristina Conti.

Pero inaasahang sa Lunes ay mabubuo na nila ang kinakailangang piyansa sa tulong ng crowdfunding o ambagan ng mga concerned citizen.

"Sobrang nakaka-overwhelm ang crowdfunding namin," ani Conti.

Nauna nang nangako sina Jodi Sta. Maria, Frankie Pangilinan at kaniyang mga magulang na sina Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan, na tumulong sa San Roque 21. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.