Good news: 3 senior citizens gumaling sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2020 05:18 PM | Updated as of Apr 05 2020 07:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sa kabila ng patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, 3 senior citizens ang gumaling mula sa naturang sakit nitong weekend.

Pinatunayan ng isang mag-asawang senior citizen na walang makapaghihiwalay sa kanila matapos silang gumaling kamakailan sa sakit na COVID-19.

Sa video na ini-upload ng VRP Medical Center (VRPMC) noong Biyernes, mapapanood ang matandang lalaking kinilala na si Cesar at ang kaniyang misis, na parehong naka-wheelchair at inaalalayan ng staff sa hallway ng Mandaluyong-based hospital.

 

Sinalubong ang mag-asawa ng mga staff ng ospital pagdating sa lobby at binigyan ng mga "hope card" na ipinadala ng mga bata sa VRPMC para sa mga pasyente ng COVID-19.

Sa panayam kay VRPMC administrator Rona Garcia, ikinuwento niyang unang na-admit ang 63 anyos na misis ni Cesar matapos magpositibo sa COVID-19.

Pero hindi raw naging dahilan ang sakit para iwan ni Cesar ang misis. Binantayan at sinamahan niya ang kanyang asawa sa ospital, at kalaunay naging positibo na rin sa virus. 

"Protocol po for COVID ang walang bantay kasi madali makahawa. But this case nakiusap sila, they signed a waiver," ani Garcia. 

Dahil parehong hindi malala ang kalagayan, magkasama rin sila sa hospital room. 

Higit 2 linggo na-confine ang mag-asawa, na 39 taon nang kasal. 

Ayon sa mag-asawa, dasal at pananalig sa Diyos ang naging sandalan nila noong sila'y naka-confine. Dagdag pa raw dito ang pag-alaga at mga positibong mensahe mula sa mga doktor at nurse.

Ngayong na-discharge na, sasailalim pa rin sa 14-day quarantine ang mag-asawa.

Samantala, ibinahagi naman ng Bayan Patroller na si Ron Perez ang paggaling ng kaniyang 73 anyos na tiyahin na si Mila Costales mula sa COVID-19.

Na-discharge noong Sabado si Costales mula sa Notre Dame Hospital sa Baguio City matapos maka-recover sa sakit.

Ayon kay Perez, sinugod sa ospital si Costales nang makaramdam ng diarrhea, kawalan ng ganang kumain, at pagtaas ng temperature.

Nagpasalamat naman si Costales sa hopsital staff dahil hindi raw siya pinabayaan ng mga ito.

Binigyan din siya ng mga lobo ng medical team at inihatid sa kaniyang bahay.

Ayon kay Costales, bagaman nakakatakot ang sakit, hindi raw siya nawalan ng pananampalataya.

Payo naman ni Costales sa mga patuloy na lumalaban sa COVID-19 ay magpakatatag, huwag mawalan ng pag-asa, at laging magtiwala sa Diyos.

Mas delikado ang COVID-19 sa mga matatanda, mahihina ang resistensiya, at may underlying condition o ibang sakit. -- May ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.