COVID-19 cases sa Pilipinas tumaas sa 3,246

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2020 04:44 PM

Umabot na sa 3,246 ang dami ng nagpopositibo sa COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ng 152 bagong kaso, sabi ngayong Linggo ng Department of Health (DOH).

Umakyat naman sa 152 ang bilang ng mga naitatalang namamatay sa sakit kasunod ng 8 bagong pagpanaw, habang 7 naman ang nadagdag na mga gumaling para sa kabuuang 64, ayon sa DOH.

Nauna nang sinabi ni Beverly Ho, special assistant to the Health Secretary, na dapat asahan ang pagtaas ng bilang ng mga kumpirmadong kaso lalo at mas maraming tao na ang nate-test para sa sakit.

Pero hindi dapat ikabahala ang pagdami ng mga positibong kaso dahil makatutulong ito para matugunan ang mga pasyente at maiwasan ang pagkalat ng sakit, paliwanag ni Ho.

Sinabi na rin ng gobyerno na balak nitong magsagawa ng mass testing para sa mga patient under investigation at under monitoring simula Abril 14.

Hindi pa nakakapagpasya ang mga opisyal ng gobyerno kung palalawigin pa ang Luzon lockdown--na nakatakdang matapos sa Abril 12--na ipinatupad para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

CHINESE DOCTORS, DUMATING SA PILIPINAS

Samantala, dumating sa bansa ngayong Linggo ang 12-man team mula China na tutulong sa Pilipinas na tumugon sa pagkalat ng COVID-19.

Bandang ala-1 ng hapon nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang medical team na sinalubong ng mga taga-gobyerno sa pangunguna ni Foreign Affairs Teodoro Locsin Jr.

Dalawang linggo mananatili ang mga doktor sa Pilipinas para magbigay ng technical guidance sa pagkontrol ng pagkalat ng bagong coronavirus, na sinasabing nag-ugat sa Wuhan City sa China.

Makikipagpulong ang mga Chinese expert sa DOH para ibahagi ang kanilang karanasan sa medical treatment ng sakit.

Tumanggap din ang Pilipinas ng bagong donasyon mula China, kabilang ang ventilators, personal protective equipment, at face masks.

-- May ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.