Babae nahulihan ng baril sa NAIA-3

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 11:09 AM | Updated as of Apr 05 2018 09:21 PM

MANILA - Lumikha ng eksena sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang babaeng nahulihan ng ilegal na baril Huwebes ng umaga.

Kinumpiska ng mga tauhan ng airport security ang kalibre .38 baril mula sa bag ng babae nang makita ito sa x-ray ng paliparan. Lumabas na walang maipresentang papeles ang babae kaya siya inaresto.

Dahil babae ang hinuhuli, mga babaeng personnel din mula sa airport police at Philippine National Police ang umaresto sa kaniya.

Subalit nang poposasan na ang gun owner, doon na siya nagsisigaw at nagwala. Isinigaw rin niyang mayroon siyang agency na nag-aasikaso ng papeles sa Camp Crame.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang patayuin para dalhin sa presinto, naglupasay na ang babae at tumanging maglakad, kaya halos kaladkarin na siya ng arresting officers.

May mga nagpaliwanag namang awtoridad sa ibang nabahalang pasahero na nakakita sa pangyayari.

Makakasuhan ng illegal possession of firearms ang babae na nabatid na hindi pasahero ng alinmang airline company.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.