1 patay, 4 sugatan sa nahulog na trak sa Mindoro

ABS-CBN News

Posted at Apr 05 2018 02:44 AM | Updated as of Jan 14 2019 04:50 PM

Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang 4 na iba pa matapos mahulog ang kanilang sinasakyang Elf truck sa isang palayan sa Sablayan, Occidental Mindoro nitong Miyerkoles.

Kinilala ang nasawi na si Manuel Dacillo Arcega, 26 anyos.

Ayon kay Chief Insp. Jeny Magan, officer-in-charge ng Sablayan police, nangyari ang aksidente sa Sitio Yapang, Barangay Batong Buhay mag-aalas 6 ng gabi.

Nawalan umano ng kontrol sa sasakyan ang drayber ng trak dahil madulas ang daan matapos umulan.

Nahulog ang trak sa palayan na ikinamatay ni Arcega. Agad namang dinala sa pagamutan ang mga nasugatan.

Nakisakay lang umano ang mga biktima sa trak dahil wala silang masakyan na bus sa lugar.

Dagdag ni Magan, ang palayan ay malapit sa pinangyarihan na aksidente noong Marso 20 kung saan nahulog sa bangin ang Dimple Star bus na ikinasawi ng 19 katao.

- ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.