Mag-live-in partner arestado sa pangingikil sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 07:17 PM | Updated as of Apr 04 2019 09:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Naaresto noong gabi ng Miyerkoles sa Maynila ang mag-live-in partner na nangikil umano ng pera sa may-ari ng van na inalok nila ng prangkisa sa kanilang pekeng transport company.

Hinuli ang mga suspek sa entrapment operation na ikinasa ng Manila Police District Police (MPD) Intelligence Unit.

Inireklamo sila ng biktimang hiningan umano nila ng P180,000 kapalit ng prangkisa para maging UV Express sa ilalim ng peke nilang transport company, ayon sa MPD.

Tinakot umano ng mga suspek ang biktima na kapag hindi nito ibinigay ang kabuuang bayad ay "ipapa-block" daw sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Base naman sa imbestigasyon ng MPD District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU), modus ng mga suspek ang pag-alok sa mga may-ari ng van ng mas murang prangkisa sa halagang P250,000 para maging UV Express.

Ayon pa sa mga biktima, hindi na nakokontak ang suspek sa oras na nabayaran ito.

Naisyuhan naman daw ng isa sa mga suspek ng tseke bilang refund ang iba naman sa mga naunang kliyente na nagbigay ng down payment pero umatras sa alok, subalit tumalbog ang mga ito.

Nabatid ng MPD na may warrant of arrest na ang isa sa mga suspek dahil sa paglalabas ng mga talbog na tseke.

Nahaharap sa kasong robbery extortion ang mga suspek.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.