Batang nagbebenta ng lumpia pangmatrikula nagtapos ng high school

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2019 02:18 PM

DAVAO CITY — Inspirasyon ngayon ang isang estudyanteng nakapagtapos ng senior high school dahil sa pagbebenta ng lumpia habang nag-aaral.

Setyembre noong nakaraang taon nang nag-viral sa social media si Jason Codera, isang grade 12 student na nakuhanan ng retrato na nagbebenta ng lumpia sa labas ng Davao City National High School.

Ang kita sa mga ibinebenta, ipinanggagastos nito sa mga bayarin at tuition fee sa eskuwelahan.

Itinawid ng lumpia at ibang ibinebenta si Codera sa kaniyang pangarap na makapagtapos.

Noong Miyerkoles, nagbunga ang mga paghihirap ni Codera at naka-graduate na siya sa senior high school.

MULAT NA HIRAP

Sa murang edad pa lang, namulat na si Codera sa hirap ng buhay pero nagsilbi niyang inspirasyon ang kaniyang pamilya.

Proud na proud naman ang ama ni Codera sa tagumpay ng anak, na malaking tulong umano sa kanilang pamilya.

"Gusto niya nga siya'y may sariling income para maka-provide sa kaniyang araw-araw," sabi ni Jessie Codera.

Pangarap ni Codera na maging chef. Plano niyang kumuha ng kursong hotel and restaurant management sa kolehiyo.

Sa kabila ng hirap ng buhay, naniniwala si Codera na walang imposibleng pangarap sa taong pursigido at nagsusumikap. —Ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.