Nakaw na sasakyan narekober sa Cotabato City

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 09:19 AM

COTABATO CITY, Maguindanao - Narekober ng mga otoridad sa lungsod na ito ang isang sasakyan na ninakaw umano kamakailan mula sa isang kompanya sa Pasay City.

Namataan ng police Highway Patrol Group (HPG) ang kotse na nakaparada sa tapat ng isang unibersidad sa Notre Dame Avenue nitong Lunes ng hapon.

Naghinala umano ang mga pulis dahil walang plaka ang sasakyan at basag ang salamin sa likurang bahagi nito.

Nang ipinaberipika ang plate number ng kotse, lumabas na kabilang ito sa listahan ng mga ninakaw na sasakyan.

Hindi pa nahahanap ang nagdala ng sasakyan sa lugar, ayon kay SPO4 Abdulrachman Dicay ng HPG-Autonomous Region in Muslim Mindanao.

"Siguro mayroon siyang idea, na-sense niya na may Highway Patrol Group doon sa area kaya hindi niya pinuntahan 'yung sasakyan niya," aniya.

Napag-alaman din aniya na naka-rehistro ang kotse sa Counterflow Movers Incorporated na nakabase sa Pasay.

"Para bang in-issue doon sa empleyado ng kompanya. Hindi niya binalik doon sa company and malamang binenta niya dito sa area natin," dagdag ni Dicay.

Kakasuhan aniya ng paglabag sa Anti-Carnapping Act of 1972 ang naturang empleyado.

Nakarekober na ang HPG-ARMM ng 5 motorsiklo at isang 4-wheel vehicle sa rehiyon mula nitong Enero.

Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.