Konduktor 'namahiya' ng mag-iinang kapos sa pamasahe

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 02:54 PM | Updated as of Apr 04 2018 06:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Inireklamo ang isang konduktor ng bus dahil sa pangha-harass o pamamahiya umano nito sa mag-iinang pasahero na kinapos sa pamasahe, Martes ng gabi.

Nagkainitan ang grupo sa loob ng isang Diamond Star bus na bumibiyahe pa-EDSA mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bandang alas-9 ng gabi.
    
Nakuhanan ng video ng pasaherong si Melanie Villafranca ang konduktor ng bus na si Ronald Insiong habang nakikipagsagutan sa kaniya.

Tinaasan umano ni Insiong ng boses sina Villafranca at ang kasama niyang 3 anak. Pauwi sila noon ng Quezon City matapos ihatid ang asawang overseas Filipino worker (OFW) sa airport.

Ani Villafranca, kukulangin sila ng pamasahe kaya nakiusap siya sa konduktor na kandungin na lang ang 2 nakababatang anak.

"Sabi niya 'Ay hindi, ang lalaki ninyo'... Napahiya ako at di ako mapakali. Naghihintay ako ng chance na makausap siya in a nice way pero di siya natinag. Pinapahiya niya kami," kuwento ng ginang.

Nakiusap umano ang mag-iina na makuha ang kanilang ibinayad at bumaba na lang sa Coastal Road, pero hindi umano pumayag ang konduktor dahil naisyuhan na sila ng tiket.

Dito na humingi ng tulong ang mag-iina sa mobile patrol ng pulis sa EDSA-Ayala, dahilan para madala sa presinto ang konduktor. 

Tumanggi itong magbigay ng pahayag sa media. 

Nangako naman ang kompanya ng bus na iimbestigahan ang insidente. Handa rin silang humingi ng dispensa sa pamilya ni Villafranca, sabi ng kanilang kinatawan. 

"Dinidisiplina naman namin sila... Hindi dapat ganoon ang pagkasabi. Dapat maayos ang pakikitungo kahit galit na ang pasahero," ani Jun Garcia, operations officer ng Diamond Star Bus.
    
Desidido naman sina Villafranca na magsampa ng kasong unjust vexation laban sa konduktor at maghain ng hiwalay na reklamo sa Land Transportation Office (LTO). 

Sabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naiwasan sana ang tensyon kung nasunod lang ang patakaran nila.

"[Kapag] 1 meter and below [ang pasahero], libre, puwedeng ikalong. [Kapag] 1.3 and up half-fare, seated," paliwanag ni LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada.

"Hindi kayo ang magsasabi na okay sa anak ko na nakakalong. It is government who says...'Yung ire-refund niyo lang po ay 'yung balanse, 'yung distance na hindi niyo na-travel," dagdag niya. 
    
Hinikayat ng LTFRB ang mga bus operator na maglagay ng tanda ng height limit sa pintuan ng bus at sundin ang taripa kung sakaling mangailangan ng refund.

Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.