Grupong dawit sa holdapan, natimbog dahil sa GPS ng nakaw na phone

ABS-CBN News

Posted at Apr 04 2018 08:14 PM | Updated as of Jan 13 2019 11:47 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ng pulisya nitong madaling araw ng Miyerkoles ang grupong pinagbibintangang responsable sa serye ng mga holdapan at carjacking sa Quezon City at Caloocan.

Natimbog ang grupo sa kanilang pinagtataguan sa Marilao, Bulacan matapos ma-locate sa tulong ng global positiong system o GPS sa isang cellphone na ninakaw noong Martes ng gabi sa Barangay Talipapa, Quezon City.

Kabilang sa mga nahuli ang apat na lalaki, dalawang menor de edad, at isang babae.

Sila rin umano ang mga kawatang nakuhanan ng CCTV na nangholdap habang lulan ng motorsiklo sa may Tandang Sora, Quezon City, at nanloob sa isang carwash sa Caloocan.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Guillermo Eleazar, malaki ang tulong ng GPS sa paglutas ng mga krimeng may kinalaman sa mga ninakaw na cellphone.

Narekober naman ng QCPD mula sa mga nahuli ang mga nakaw na cellphone, pera, at motor. Nakuhanan din sila ng mga baril.

Nanawagan din ang QCPD sa iba pang posibleng biktima ng grupo na magtungo sa kanilang tanggapan sa Kampo Karingal para makapagsampa ng karagdagang kaso sa mga naarestong suspek.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.