Lalaking nahuling nagre-repack ng ethyl alcohol sa QC, arestado

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 05:42 AM | Updated as of Apr 03 2020 06:53 PM

Arestado ang isang lalaki matapos mahuli ng mga pulis na umano'y nagre-repack ng ethyl alcohol sa Barangay Batasan Hills, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Police Maj. Sandie Caparroso ng Quezon City Police District Station 6, ikinasa nila ang operasyon matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang concerned citizen na may nagre-repack umano ng alcohol sa isang bahay sa lugar.

Pinuntahan ito ng pulisya at tumambad sa kanila ang suspek na si “Charlie” habang abala siya sa pagrerepack ng mga alcohol.

Hinahaluhan ang mga ethanol ng tubig at nilalagay sa gallon para ibenta sa halagang P500-P600 kada gallon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakumpiska ng pulisya ang 10 drum kung saang pito sa mga ito ay may laman na ethanol at walong kahon na may lamang galon ng alcohol.

Ayon kay Caparroso, walang naipakitang mga permit ang suspek para magrepack o kaya’y mag-manufacture ng alcohol. Hindi rin ligtas na gawin ito sa loob lamang ng isang bahay lalo na’t flammable ito.

Delikado rin umano ang ganitong mga ibinebentang alcohol lalo na’t hindi naman sigurado kung ligtas ba ang mga nilalagay nilang kemikal dito.

Depensa ng suspek, marami sa kanilang kasamahan ang frontliners kaya plano sana nila i-donate ang ilan sa mga nire-repack nilang alcohol habang ung iba naman ay ibebenta. 

Sa ngayon ay ipapasuri ng pulisya ang ilang sample ng nakumpiskang alcohol upang matukoy ano ba talaga ang laman nito. Nagbabala rin sila na maging mapanuri sa binibiling alcohol.-Ulat nina Lyza Aquino at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.