3 arestado sa pagbebenta ng overpriced alcohol sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 02:46 PM

Retrato mula sa Quezon City Police District Public Information Office

Hinuli ng mga awtoridad noong Huwebes ang 3 tao sa Tondo, Maynila dahil sa umano ay pagbebenta ng overpriced na alcohol.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagbebenta ang mga suspek ng 500 milliliters ng isang brand ng alcohol sa halagang P170 kahit nasa P99.75 lang ang suggested retail price nito, ayon sa ulat mula sa Quezon City Police District (QCPD).

Dahil dito, nagkasa ng buy-bust operation ang QCPD, katuwang ang mga tauhan ng Philippine Air Force at Department of Trade and Industry, laban sa mga suspek.

Isang pulis ang nagpanggap na buyer at bumili ng 126 bote ng alcohol sa mga suspek kapalit ng P22,000.

Matapos tanggapin ang buy-bust money, dinampot ng mga awtoridad ang mga suspek bandang ala-1 ng hapon sa Yuseco Street, Barangay 231.

Bukod sa naunang 126 bote, nakumpiska din sa mga suspek ang 90 bote ng alcohol na nagkakahalagang P15,750, ayon sa QCPD.

Patong-patong na kaso ang haharapin ng mga suspek kabilang ang paglabag sa Price Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.