LGU ng Lobo sa Batangas pinaaalis ang dredging vessel

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2019 06:45 PM | Updated as of Apr 03 2019 07:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinuspende na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang environmental compliance certificate (ECC) ng dredging vessel MV Emerald na dumaong sa Lobo, Batangas noong nakaraang linggo. 

Kasunod ito ng pag-alma ng ilang mga residente at lokal na opisyal sa pag-angkla ng barko sa naturang lugar, ayon kay Jose Elmer Bascos, opisyal ng Provincial Environment and Natural Resources ng Batangas. 

"Kasi may clamor 'yung community, isa 'yun sa basehan, usually isu-suspend mo ang ECC kapag may violations ka. Dito naman, nakita ng DENR na may clamor 'yung primary stakeholders natin, yung LGU," ani Bascos. 

Kailangan ang permit para simulan ang dredging operations ng barko. 

Dahil dito, iniutos na ni Lobo Mayor Jurly Manalo sa Philippine Coast Guard ang pagpapatanggal ng barko sa lugar sa pinsalang maaaring idulot nito sa katubigan. 

Ani Manalo, nagsabi ang Seagate Engineering and Building Systems, na kompanyang kumuha sa barko, na ipinagkaloob sa kanila ng lokal na pamahalaan noong 2008 ang kontrata para sa dredging sa katubigan. 

Pero iginiit niya na wala na itong bisa sapagkat wala namang naumpisahang trabaho ang barko. 

Bukod pa rito ay nakaangkla pa raw ang barko sa Verde Island Passage, isang marine protected area na posibleng masira dahil sa ginagawang dredging - bagay na pinapangambahan ng alkalde. 

"Itong Verde Island Passage na sinasabi natin ay center of the marine biodiversity in the whole world, masisira itong buhangin, seagrass 'yun, may corals din, walang matinong mayor na papayag,” ani Manalo. 

Lumalabas din daw sa mga dokumento na nakuha ng lokal na pamahalaan ng Lobo na galing itong Malaysia at may lulan umano ito na pitong Chinese crew. 

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang kompanyang kumuha sa barko.

Susuriin din ng lokal na pamahalaan ang pinsalang iniwan ng barko sa mga koral, na pagbabasehan ng kanilang pagsampa ng kaso sa may-ari ng barko. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.