Suplay ng NFA rice sa NCR, 4 pang rehiyon, ubos na: GRECON

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 02:50 PM

Sinabi ng grupong Grain Retailers Confederation of the Philippines (GRECON) nitong Martes na wala nang ibinebentang NFA rice sa mga merkado sa National Capital Region (NCR) at apat pang rehiyon sa bansa.

Bukod sa NCR, naubos na rin ang suplay ng NFA rice sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Calabarzon, ayon sa GRECON.

Ayon kay GRECON National President James Magbanua, noong nakaraang buwan ay halos wala nang nabebenta ang kanilang retailers na NFA rice sa merkado.

Nagismulang unti-unting maubos ang suplay ng NFA rice mula pa noong Enero, ani Magbanua.

Ang GRECON ang organized retailers group ng National Food Authority (NFA) na siyang namamahagi ng NFA rice sa merkado.

Naging maugong sa pagsisimula nitong taon ang isyu hinggil sa umano'y paubos na stock ng NFA rice sa bansa.

Tinugunan naman ito ng gobyerno sa pag-apruba sa hiling ng NFA na makapag-angkat ng 250,000 metriko toneladang bigas.

-- Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.