Sinentensiyahang OFW sa Jeddah, di na bibitayin: DFA

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 11:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ligtas na ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa parusang bitay sa Jeddah, Saudi Arabia.

Hindi man pinangalanan, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang naturang OFW ay naaresto noong October 2013 matapos madiskubre ang mga umano'y ilegal na droga sa bagahe na binitbit niya para sa kinatawan ng kaniyang deployment agency.

Ayon sa DFA, naging aktibo ang Philippine Consulate General sa Jeddah para tulungan ang Pinay sa kanyang kaso at mapatunayan na hindi kaniya ang nasabat na droga.

Ni-repatriate o pinauwi na ang naturang Pinay matapos makulong ng halos limang taon sa Saudi Arabia.

Hindi na rin siya pinagbabayad ng multang 100,000 Saudi Riyal.

Bukod sa kaniya, may apat na OFW pa na nakulong din sa Saudi ang pinalaya na at pinabiyahe pauwi ng Pilipinas matapos makumpleto ang kanilang sentensiya sa mga kulungan sa kanlurang rehiyon ng Saudi Arabia.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.