Mandato, pinuno ng NFA, pinababago sa gitna ng isyu sa rice supply

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 10:10 PM

Wala nang maibentang NFA rice na P27 kada kilo ang isang rice retailer sa Paco Market sa Maynila Photo by Jonathan Cellona, ABS-CBN News
  • 'NFA management, council, di magkasundo kaya rice supply apektado'

  • Palasyo: di dapat mag-panic sa supply ng NFA rice

  • NEDA nais na repasuhin ang mandato ng NFA

Pinagbibitiw sa puwesto ng ilang senador ang pinuno ng National Food Authority (NFA) dahil sa naiulat na pagbaba ng buffer stock ng bigas sa bansa. Itinutulak din na repasuhin at baguhin ang mismong mandato ng NFA.

Nanawagan si Sen. Grace Poe na magbitiw na si National Food Authority (NFA) Administrator Jason Aquino dahil indikasyon umano ng kapalpakan ng kaniyang liderato kung totoo mang wala nang buffer stock ng bigas ngayon.

"I call for the resignation of NFA Administrator Jason Aquino. If there is indeed a zero percent buffer of rice, this is an indication of the inefficiency of his leadership... Aquino should be replaced by somebody who has the capability and track record to efficiently run the agency," saad ng pahayag ni Poe.

Ipinunto naman ni Sen. Bam Aquino ang pagsipa ng presyo ng bigas na dahil umano sa "kapabayaan ng NFA" sa tungkulin nito.

“Hinahayaan lang ng NFA na lumaki ang problema na dulot ng kanilang kapalpakan. Dapat lang na palitan na ang NFA administrator at magtakda ng bagong pinuno na may kakayahang solusyunan ito," ani Sen. Aquino.

Buffer stock ang tawag sa nakaimbak na mga sako ng bigas ng NFA para matiyak na di kukulangin ang supply ng bigas sa bansa.

Bukod sa supply, tinitiyak din ng buffer stock na di basta-basta sisipa ang presyo ng bigas dahil sa kakulangan nito.

Mandato ng NFA na magkaroon ng buffer stock na puwedeng tumagal ng 15 araw, habang dapat pang-30 araw naman ang buffer stock kung lean season o panahong wala masyadong naaning palay.

Pero ayon sa opisina ni Sen. Aquino, dati nang inamin ni NFA Administrator Aquino na halos isang taon ding hindi pumapalo sa pang-15 araw ang buffer stock ng ahensiya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nitong Martes, sinabi ng grupong Grain Retailers' Confederation of the Philippines (GRECON) na wala nang ibinebentang NFA rice sa mga merkado sa National Capital Region (NCR) at apat pang rehiyon sa bansa. 

Bukod sa NCR, naubos na rin ang supply ng NFA rice sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, at Calabarzon, ayon kay GRECON president James Magbanua.

Dagdag niya, noong nakaraang buwan ay halos wala nang nabebenta ang kanilang retailers na NFA rice na unti-unti umanong naubos mula pa noong Enero.

Pag-angkat ng bigas

Hindi umano nagkakasundo ang NFA management at ang NFA council kaya tuluyang naubos ang buffer stock ng bigas, ayon sa GRECON. 

Una nang inamin noon ng NFA na paubos na ang suplay ng murang bigas at sinisi nito ang konseho sa hindi pag-apruba sa hiling na makapag-angkat mula sa ibang bansa.

Pero depensa ni Cabinet Secretary Leoncio "Jun" Evasco, chairman din ng NFA council, hindi sila nagkakasundo ng NFA management dahil pinipilit umano ng ahensiya ang pag-aangkat na di hamak na mas magastos at malapit sa korupsiyon.

Nakatakda rin aniyang dumating sa susunod na buwan ang 250,000 metriko toneladang bigas para tugunan ang pangangailangan para sa buffer stock ng NFA.

Ayon kay Assistant Secretary Jason Soriano ng Office of the Cabinet Secretary, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas mainam nang sumobra ang bigas sa bansa kaysa kulangin sa supply nito.

Kasalukuyan din daw may buffer stock lang para sa isang araw ang NFA, ayon kay Soriano.

Tiniyak din ng Palasyo na higit pa sa sapat ang supply sa bansa ng bigas na di NFA rice.

Noong nakaraang taon, sinipa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang opisyal dahil sa pagkontra nito umano sa desisyon ng NFA na ipagpaliban muna ang pag-aangkat ng bigas habang panahon ng ani.

Mandato ng NFA

Nais naman ng National Economic Development Authority (NEDA) na repasuhin at baguhin ang mandato ng NFA para mas matutukan na lang nito ang pagtitiyak sa buffer stock ng bigas.

Sa ngayon kasi, kasama pa sa tungkulin ng NFA ang pagtitiyak na makabibili ng bigas na maibebenta sa publiko sa murang halaga.

Lumalaki ang tsansang lumobo ang utang ng NFA dahil hindi naman nababarat ng NFA ang pagkukuhanan nito ng bigas na dapat ay maipasa nila sa konsumer sa abot-kayang presyo.

Sang-ayon din si Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate agriculture and food committee, sa rekomendasyon ng NEDA.

"Pag-aaralan natin 'yung NFA, pag-aaralan natin 'yong trabaho nila, baka mag-introduce tayo ng amendments o baguhin natin ang mandate ng NFA, para di na tayo magkakaganito," ani Villar.

Sinabi niyang opsiyon ding tuluyang ipasara ang NFA, pero dapat isaalang-alang ang mga tauhan nitong kailangang pondohan ang pagreretiro kung magkataon.

-- Ulat nina April Rafales, Pia Gutierrez, at Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.