Kawalan ng traffic light sa 'killer intersection,' inaksiyunan

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 09:02 PM | Updated as of Jan 10 2019 10:04 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinag-utos kamakailan ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan sa mga inhenyero ng lungsod ang pagpapalagay ng traffic light sa isang interseksiyong madalas pangyarihan ng mga aksidente sa mga motorista.

Pero wala pang eksaktong petsang binigay ang alkalde kung kailan makapaglalagay ng traffic light sa may kanto ng 10th Avenue at A. De Jesus Street.

"Nagpa-canvass na ako kung magkano ang traffic light," sabi ni Malapitan sa panayam ng ABS-CBN News.

Dati na umanong sumulat ang mga tauhan ng Barangay 103, na sumasakop sa "killer intersection," sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para humingi ng tulong sa pagpapakabit ng traffic light.

Sumagot ang MMDA at sinabing magpapadala sila ng tao para magsagawa ng evaluation at assessment pero makalipas ang halos isang taon ay wala pa rin umanong nagpunta.

"[Dalawa] na 'yong namatay... Huwag na sana nating hintayin na mayroon pang sumunod," ani barangay captain Alfredo Ang.

Nagpaalala naman si Malapitan sa mga motorista na mas mag-ingat sa pagmamaneho habang wala pang traffic light, para maiwasan na rin ang may masaktan o mamatay.

"Medyo slow down lang po tayo dahil marami ang intersection diyan," ani Malapitan, na nangakong tututukan ang isyu sa traffic light.

Noong Marso 23, pasado alas-4 ng madaling araw, nagkaroon ng head-on collision o banggaan sa pagitan ng dalawang sasakyan sa naturang interseksiyon.

Napatay naman ang isang lalaki habang nabali ang binti ng kaniyang angkas noong Marso 21 matapos silang sumalpok sa isang trailer truck sa parehong kanto rin.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.