Imee: Audit logs, di dapat maliitin; Robredo camp: Di 'yon tanda ng dayaan

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 11:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iginiit ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos, kapatid ni Bongbong Marcos, na hindi dapat maliitin ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang nawawalang audit logs ng automated counting machines na ginamit noong halalan 2016.

"We're wondering why these audit logs are missing when in fact, this is the critical, absolute critical piece of paper required by law," anang gobernadora.

Ito'y matapos manindigan ang kampo ni Robredo na hindi nangangahulugang nagkaroon ng dayaan sa halalan dahil sa mga nawawalang audit log.

"It's not a problem. Hindi naman porke't wala 'yung audit logs e may anomaly?" sabi ni Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, nitong Martes sa isang press conference.

"The best evidence in a recount or revision are the ballots. And even the lawyer of Mr. Marcos said the best evidence are the ballots," dagdag ni Macalintal.

Teknikal lang din aniya ang pagkawala ng mga audit log, at hindi nito maapektuhan ang "genuineness" o katapatan at "accuracy" o pagiging tumpak ng pagbibilang sa mga balota.

"Kahit andiyan lahat tambak ang audit logs, hindi magiging basis 'yun ng count. Kasi kahit bilangin mo 'yung audit logs, you can't determine the number of votes obtained by candidates. You still had to go back to the ballots," ani Macalintal.

Unang itinaas ni dating Senador Bongbong Marcos noong Lunes ang isyu ng mga nawawalang audit log mula sa 38 voting precints sa bayan ng Bato, Camarines Sur. Nagpapahiwatig umano ito ng posibleng dayaan noong halalan.

Inihalintulad ni Gregorio Larrazabal, dating commissioner ng Commission on Elections (Comelec), ang audit logs sa "black box." Dito aniya itinatala ang lahat ng aktibidad sa isang voting precinct. 

Makikita sa logs kung napasukan ng balota o nagamit ang makina sa araw at oras ng botohan. 

Tiniyak naman ni Larrazabal na may sapat na pamantayan para masigurong malinis ang halalan sa bansa.

"There's enough data there that you can look at to determine what really happened," ani Larrazabal. "It's just sifting through all those documents, all those files and making sure you're looking at the right thing instead of just being distracted by other evidence that don't matter."

Noong Lunes ay sinimulan ng Korte Suprema, na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET), ang muling pagbibilang ng ilang balota noong halalan 2016 kaugnay ng election protest ni Bongbong Marcos laban kay Robredo.

BASANG BALOTA

Bukod sa audit logs, isa rin sa mga isyung binigyang pansin ng kampo ni Marcos noong Lunes ay ang mga basang balota mula sa apat na voting precints sa Bato.

Sinabi ng kampo ni Robredo na hindi magbabago ang resulta ng vice presidential polls dahil sa mga nabasang balota.

Ayon sa abogado, may mga "corresponding image" naman ang bawat balota kaya't madaling malutas ang naturang problema.

Para kay Macalintal, walang dapat ikabahala dahil sa mga basang balota.

Ipinaliwanag din ni Macalintal na nabasa ang mga balota matapos tamaan ng malakas na bagyo ang bayan.

"In almost 80 percent of elections, we always experienced that circumstance. Nabasa ang balota. Marami ang madumi na. Depends on the areas where these are deposited," ani Macalintal.

Ayon kay Bongbong Marcos, hindi mabasa o maintindihan ang mga sulat dahil basa ang ilang balota. Hinala ni Marcos ay kamakailan lang ito binasa.

Bahagi ang muling pagbibilang ng mga balota sa protesta ni Bongbong Marcos sa resulta ng halalan 2016 na nagluklok kay Robredo bilang bise presidente. 

Sa isang pahayag, sinabi ng Comelec na magsasagawa sila ng imbestigasyon hinggil sa mga paratang ni dating Senador Marcos na dayaan sa halalan.

-- Ulat nina Raya Capulong, Ina Reformina, at Davinci Maru, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.