Graduating student, 1 pa patay sa salpukan ng truck, tricycle

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2018 08:38 AM | Updated as of Jan 10 2019 12:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang dalawang babae sa salpukan ng tricycle at trailer truck sa San Jose del Monte, Bulacan mag-alas-11 Linggo ng gabi.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nakahinto ang tricycle na minamaneho ni Jerry Domdo sa tapat ng isang videoke bar sa highway sa Barangay Minuyan Proper.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakababa na ang 4 sakay ng tricycle, pero nakaupo pa sa likod ng driver sina Ladylyn Mendoza, isang graduating student, at Imelda Rivera nang salpukin sila ng humaharurot na trailer truck ng semento.

Sa lakas ng pagkakatama, tumilapon ang dalawa kasama ang tricycle driver at nakaladkad pa ng ilang metro. 

Nagkapira-piraso ang katawan ng 17-anyos na si Mendoza. Naitakbo pa sa ospital si Rivera pero binawian din ito ng buhay.

Sugatan naman si Domdo.

Nagtangka pang tumakas ang driver ng truck na si Jefferson Mayor pero napigilan ito.

Kuwento ni Shirley Rivera, anak ng isa sa mga biktima, sinamahan lang siya ng mga kamag-anak na hanapin ang mister nito sa videoke bar kaya nag-arkila sila ng tricycle.

Nais ng pamilya ng mga biktima na makansela ang lisensya ng truck driver. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.