Sunog sumiklab sa commercial area sa Rizal

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 06:02 AM

Sumiklab ang sunog sa isang commercial area sa Barangay San Roque, Cainta, Rizal nitong Huwebes ng hatinggabi. 

Ayon sa Bureau of Fire Protection Rizal, sumiklab ang apoy sa dalawang palapag na tindahan ng tsinelas sa nasabing lugar.

Agad itinaas sa ikalawang alarma ang sunog matapos nitong kumalat sa ikalawang palapag ng katabi nitong tindahan ng mga damit.

Inabot ng isang oras bago tuluyang naapula ang sunog.

Ayon sa isa sa nagbabantay sa tindahan, natutulog na sila nang biglang nakaamoy ng usok na nanggagaling sa likuran ng tindahan. 

Agad silang lumabas kaya walang naitalang nasugatan. Naisalba rin nila ang ilan sa mga ibinebentang damit. 

Naabo naman ang mga panindang tsinelas sa katabing tindahan.

Ayon kay barangay chairman Jon Jon Taguba ng Barangay San Roque, tutulungan nila ang mga naapektuhang tindero lalo na’t ito ang mga empleyado na naninirahan na muna sa loob ng tindahan dahil hindi na sila makabalik sa kanilang probinsya nang ipatupad ang lockdown.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog at halaga ng natupok.