Pasig City nakapagbigay na ng halos 160,000 food packs sa gitna ng lockdown

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 10:58 PM

MAYNILA — Ibinalita ni Pasig City Mayor Vico Sotto nitong Huwebes na 159,062 food packs na ang naipamahagi nila sa mga maralitang pamilya sa lungsod.

 


Sabi ni Sotto, 96.5 porsiyento na ito ng 164,825 pamilyang kabilang sa "Pasig pockets of poverty."

May mga nakatanggap din ng ayuda mula sa barangay at sa mga pribadong donor.

Ani Sotto, simula na rin ngayon ng second wave ng pamimigay ng food packs.

Humingi ng pasensya si Sotto sa mga nahuling mabigyan ng food packs at nagpasalamat sa mga tumutulong sa distribusyon.

"Pasensiya na po sa mga nahuli. Hindi po madali ang biglaang operations na ito," ani Sotto.

Dagdag ng alkalde, inaayos na ang incentive ng team leaders at volunteers na umasikaso sa pamimigay ng ayuda.

"Inaayos na din namin yung bonus/incentive ng mga team leaders at volunteers (yung tinatanong niyong hazard pay)," ayon sa Pasig mayor.

Nasa ilalim ng lockdown ang buong Luzon hanggang Abril 12 para mapuksa ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.