Bahagi ng isang ospital sa Marikina balak ilaan para sa COVID-19 PUIs

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 03:21 PM | Updated as of Apr 02 2020 03:51 PM

Target ng pamahalaang lokal ng Marikina na magamit ang 3 palapag ng St. Vincent General Hospital sa lungsod para paglagyan ng mga pasyenteng pinaghihinalaang may 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Nakipagkita ngayong Huwebes si Marikina Mayor Marcelino Teodoro sa mga may-ari ng St. Vincent General Hospital para pag-usapan ang planong pag-upa sa 3 palapag ng annex building ng opsital, na ilalaan umano sa patients under investigation (PUIs).

"Kulang na kulang. Kaya nakakita tayo ngayon hindi nga lang PUI kundi pati COVID patient na pinapauwi sa bahay at doon na lamang mag-home quarantine, mali ito eh," ani Teodoro.

"Makakahawa siya hindi lang sa mga kasama niya sa bahay kundi makakahawa rin siya sa kapitbahay o buong komunidad," dagdag ng alkalde.

Nauna nang ipinagamit ni Teodoro ang Marikina Hotel para i-quarantine ang mga person under monitoring, na karamihan ay mga health worker na wala namang sintomas pero kailangang sumailalim sa mandatory 14-day quarantine.

Tiniyak naman ng pamunuan ng St. Vincent General Hospital na sapat ang kanilang pasiliad para sa PUIs. Maaari na lang daw silang tulungan ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng karagdagang hospital staff.

Siniguro rin ng hospital director na si Emmanuel Bueno sa iba pang pasyente ng ospital na iba ang medical workers na tutugon sa PUIs para maiwasan ang hawahan ng coronavirus.

"Hindi po natin puwede silang ihalo dito sa incoming patients na PUI," ani Bueno.

Para makatulong sa national government at Department of Health (DOH), sinisikap na rin ng Marikina local government na matukoy ang iba pang ospital sa lungsod na puwedeng umasikaso sa mga PUI.

"Pinag-uusapan namin na ito ay para makatulong tayo sa DOH, sa kakulangan nila ng pasilidad," ani Teodoro.

-- Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.