9 huli sa pagsusugal sa gitna ng enhanced community quarantine

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2020 05:41 PM

Inaresto ng pulisya ang mga nagsusugal sa lungsod sa kabila ng lockdown sa Luzon. Larawan mula sa Laoag City Police

LAOAG CITY - Siyam na katao ang naarestong nagsusugal sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa lungsod sa kabila ng ipinatutupad ng enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon sa pulisya, simula pa Marso 15 hanggang Marso 28 ang ikinasa nilang operasyon. May mga suspek na nahuling nagsusugal sa bahay at ang iba ay sa loob ng sidecar ng motorsiklong nakaparada sa kalsada.

"Iwasan natin magsugal sa ating mga kabahayan kasi mahigpit na ipinagbabawal ng ating Presidente at para maiwasan din ang magkadikit-dikit kasi nga itong sakit COVID-19 obserbahan natin ang social distancing,” sabi ni Police Lt. Col. Amador Quiocho, hepe ng Laoag City Police.

Babala ng pulisya, aabot sa higit P30,000 ang piyansa ng bawat isang mahuhuling magsusugal. Mainam umano na ipambili na lamang ng pagkain ang ibabayad sa pang-piyansa.