Tanggapan ng SSS sa Bacolod, binulabog ng bomb threat

Barbara Mijares, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 11:24 AM

Pinabalik ang mga kawani at kliyente ng Social Security System sa Bacolod matapos na ma-clear ang gusali mula sa banta ng bomba. Barbara Mijares, ABS-CBN News

BACOLOD CITY – Nakatanggap ng bomb threat ang tanggapan ng Social Security System (SSS) sa lungsod, Martes ng umaga.

Ayon kay Lina Hilado, branch head ng SSS Bacolod, nakatanggap ang isang teller ng text message na nagsasabing may bomba sa gusali bandang alas-6 ng umaga.

Ipinasa umano ito sa kaniya kaya agad silang humingi ng tulong mula sa pulisya.

Nasa 200 kawani ng nasabing branch at mga kliyente nito ang pansamantalang pinalabas habang nagsagawa ng clearing operations ang awtoridad sa buong gusali.

Dagdag ni Hilado, hihingi sila ng tulong mula sa National Telecommunications Commission para ma-trace ang number na ginamit sa pag-text.

Ani Hilado, Lunes ng hapon din ay nag-miss call ang nasabing numero sa number ng kanilang teller.

Higit isang oras matapos ang clearing operations ay pinabalik na rin sa opisina ang mga kawani at balik-normal na muli ang operasyon ng branch.

Sa kabila nito, magpapatupad ng mahigpit na seguridad ang tanggapan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.