Di lisensiyadong contractor timbog sa kasong estafa

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2019 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang hindi lisensiyadong contractor na hindi umano tinatapos ang mga pinatatayong bahay ng mga biktima at itinatakbo ang pera ng mga ito.

Dinampot ng NBI Special Action Unit sa isang kapihan si Stephen David matapos tanggapin ang P11.3 milyon mula sa isang kliyente.

Walang lisensiya bilang contractor ang suspek at may cease and desist order ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa kaniya.

"Hindi pala siya licensed architect... In fact, 'yong tumatayo niyang engineer, hindi rin licensed," ani NBI Special Action Unit chief Emeterio Dongallo.

Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ni "Linel" na nagbayad kay David ng P17.5 milyon para itayo ang kaniyang 3 palapag na bahay sa loob ng 10 buwan.

Pero ground floor lang ng bahay ang natapos makalipas ang 2 taon. 

Biglang inihinto ni David ang pagpapatayo nang tanggihan ni "Linel" ang hiling niyang dagdag-bayad.

Inireklamo rin ni "Mark" si David sa parehong modus.

Ayon kay "Mark," itinigil din ni David ang pagtatayo ng kaniyang bahay nang tumanggi siya sa dagdag-singil ng suspek.

Sinabi ni David na pinoproseso pa ang kaniyang lisensiya. Itinanggi din niya ang mga paratang.

Kinasuhan si David ng estafa.

Tatlo pang kliyente ang nakatakdang magsampa ng reklamo laban kay David, ayon sa NBI. --Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.