SAPUL SA CCTV: Pagbukas ng NAIA 'screener' sa bag ng pasahero

ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2018 10:08 PM | Updated as of Apr 02 2018 10:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang "screener," o tauhang nakaposte sa screening machine ng Office for Transportation Security (OTS), na siyang nagbubukas ng bag ng isang dayuhang pasahero.

Hindi ito pinapayagan, at sa halip ay dapat ang pasahero ang nagbubukas ng kanyang sariling bag. 

Noong Marso 28, Miyerkoles Santo, pumasok sa arrival area ng NAIA Terminal 3 ang isang pasaherong Japanese.

Makikita sa CCTV na kausap ng isang screener ang pasaherong Hapon.

Idiniretso sa mesa sa tabi ng screening machine ang bag ng pasahero at binuksan ng screener.

Base sa protocol, bawal hawakan ng screener ang bag ng pasahero.

Paliwanag ni Senior Supt. Napoleon Cuaton ng OTS, sa oras na may makitang ipinagbabawal na bagay na nasa bagahe sa pagdaan nito sa screening machine, doon na aatasan ang pasahero na buksan ang kaniyang bagahe.

Nasa final screening na ang Japanese passenger nang malamang nawawala na ang 1,700 Australian dollars na laman ng kaniyang wallet o katumbas ng halos P68,000.

Bumalik ang Hapon sa initial screening para magreklamo at hindi na tumuloy sa flight.

Nahuli agad ng airport police ang dalawang screeners na sina Stephen Bartolo at Demie James Timtim na itinuturong kumuha umano ng pera ng Japanese.

Nabawi pa sa kanila ang 300 Australian dollars.

Ayon kay Senior Inspector Nemencio Bawalan ng airport police intelligence investigation division, inamin ni Bartolo na ibinigay niya ang pera sa kaniyang kasamahan.

Naabutan naman ang sinasabing kasamahan sa follow-up operation at nakuha ang pera na inilagay sa isang jacket.

Hinala ng airport police, may iba pang kasabwat sa pagnanakaw kaya hiling nila sa mga pasahero na huwag mag-atubiling magsumbong sa kanila para mahuli ang mga kawatan.

Ayon naman sa OTS, dumadaan sa masusing pagsasanay at background check ang mga OTS screener bago i-deploy.

Nasa kustodiya na ng airport police ang mga nahuling screener.

Bukod sa qualified theft, sasampahan ng kasong administratibo ang dalawang OTS screener na dati nang nakuwestiyon umano dahil sa isyu naman ng "tanim-bala."

-- Ulat nina Jacque Manabat at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.